Starbucks Syndrome

– Jojo Robles

Mayroon ka bang Starbucks Syndrome?

Ito ay isang nakakahawang sakit na nagpapataas ng paa (madalas dalawang paa) ng biktima sa upuan habang humihigop ng mamahaling kape at naglulustay ng napakaraming oras sa loob ng isang coffee shop.

Wala pa namang naiulat na namatay dahil sa nasabing karamdaman, bagama’t marami nang nagreklamong mga magulang, mga bisor at maging mga may-ari ng mga establisyementong hindi kapihan dahil sa mga masamang epekto ng Syndrome na ito.

Madaling matagpuan ang mga biktima ng nasabing sakit: sila’y makikita sa mga coffee shop, madalas ay may dalang laptop computer, libro at ibang papeles, minsan baraha at board games tulad ng chess o Monopoly. Sa mga may malalang tama ng sakit, kahit cellphone lang o syota ang dala-dala, ayos na.

Kadalasang tinatamaan ng sakit na ito ay mga kabataan – na nakababahala sa karamihan dahil medyo may kamahalan ang kape sa mga nasabing lugar at siguradong masasaktan ang bulsa ng mga ito kung AARAW-ARAWIN nila ang kanilang bisyong tumambay sa mga coffee shop.

Kunsabagay, karamihan ng mga batang may Starbucks Syndrome ay di naman gumagastos ng malaking halaga dahil isang kape lang, inaabot na sila ng oras-oras. Nawawalan na tuloy ng epekto ang kapeng linalagok sa tagal ng kanilang pananatili sa isang lugar at sa sobrang relaxed ng kanilang pagkakasalampak sa mga sofa.

(Ang huling sintomas na ito ang dapat namang ikabahala ng mga may-ari ng mga cofee shop, dahil ang buhay ng mga ganitong tindahan ay volume turnover, o ang bilis ng pagpapalit-palit ng mga customer. Papaano kang magkakaroon ng volume kung okupado ng iisang tao ang lamesa mo sa buong araw? Kaya siguro ubod ng mahal ng kape sa mga ganoong lugar.)

Ang mga magulang ng mga kabataang halos naninirahan na sa mga coffee shop ang unang umaalma: hindi na daw nila nakikita ang kanilang mga anak, na paalam naman sa kanila ay mag-aaral sa coffee shop. (Ano na’ng nagyari sa pag-aaral sa bahay o paaralan? Tanong ng mga magulang.)

Ang mga ‘bisor ng mga kabataang empleyado ay nagwawala din: bakit ‘ika nila kailanganing abutin ng oras-oras ang cofffee break, na dati’y minuto lang?

Ang mga may-ari naman ng ibang restaurant na hindi kilala sa kanilang kape at di dating ginagawang tambayan ng kalahating araw ay naghahanap na rin ng paraan para mapaalis ang mga maysakit na ganito. Nagtataka din sila kung bakit ang mga dating di nagtataas ng paa sa kanilang mga upuan ay ganun na lamang kung magsikilos sa knilang restoran. Kulang na langay humingi ng kumot at unan sa waiter.

Hindi pa alam ng mga dalubhasa kung kailan at saan nagsimula ang Starbucks Syndrome. Ayon sa mga siyentipiko sa ibang bansa, wala namang kinakikitaan ng ganitong karamdaman sa kanilang mga lugar, na may mga kapihan din naman.

Ayon naman sa iba, madaling gamutin ang bagong sakit na ito: palitan lang ang mga upuan ng mga coffee shop ng matitigas na plastic katulad sa mga fastfood joint o kaya’y bigyan ng time limit ang paginom ng kape.

Ang iba namang may mas radikal na pananaw ay nagpanukala na bigyan na lamang ng trabaho ang mga tambay sa coffee shop, o di kaya’y mas maraming gawaing bahay o paaralan – ang mahalaga lang daw ay tiyaking ang mga dagdag na gawaing ito ay hindi maaring gawin sa labas ng bahay, opisina o paaralan.

Marahil ay ipatutupad na ang mga ganitong mga panukala sa darating na mga araw, para na rin matahimik ang mga sektor na nagrereklamo at maapektuhan ng paglaganap ng nasabing sakit.

Wala namang naririnig mula sa mga dinapuan ng Starbucks Syndrome. Marahil masyado kasi silang abala sa pag-aaral, pagtratrabaho, panliligaw o PAGKUKUYAKOY.

Ni hindi nila alam na maysakit sila. KAWAWANG MGA NILALANG.

Kayo, may kakilala ba kayong may Starbucks Syndrome? O baka mayroon na din kayo nitong karamdaman na ito. Hindi nyo lang alam…

Tagged:

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.